Huwag mo naman sanang isipin na may kakapalan ang aking mukha,
hindi pa nga ako nagkakaroon ng pangalan sa larangan ng pagsusulat tapos ay
magbibigay na ako ng tips na akala mo ba’t kahanay na ako nina Ricky Lee, Gilda
Olvidado at Lualhati Bautista. Ang nais ko lang naman ay matulungan ang
ilang tao na umaasam na maging isang
manunulat.
Ah, bahala na kayo kung
babasahin ninyo o hindi. Ang importante lang sa akin ay mabigyan ng payo
ang ilang kababayan ko na nais maging manunulat.
Una, HUMANAP KA NG
INSPIRASYON. Hindi ko naman sinabi na maghanap ka ng kasintahan, asawa o
kabit. Ang gusto kong sabihin ay isang bagay na makakapagtulak sa’yo na
gumawa ng kuwento.
Halimbawa: isang lumang larawan ng iyong lolo at lola.
Titigan mo iyon nang mabuti at siguradong marami kang kuwentong maiisip.
Pangalawa, SERYOSOHIN
MO ANG PAGSUSULAT. Lagi mong sinasabi na gusto mong magsulat. Puwes,
maglaan ka ng oras sa pagsusulat. Hindi maaari iyong magsusulat ka ng ilang
minuto tapos ay iiwanan mo kapag tumawag ang iyong Honey, My Love o Darling.
Tandaan mo, ang pagsusulat ay para ring isang karelasyon, nangangailangan ng
oras at atensyon. Huwag mo na ambisyuning maging manunulat kung
magpapa-distract ka lang.
Ikatlo, MAG-RESEARCH.
Hindi porke alam mo na ang istorya mo ay mauupo ka na at uumpisahan ang
pagsusulat. Kailangan mo din siyempreng alamin kung ano ba ang gawi ng isang
mayaman at isang mahirap. Kailangan ang bawat karakter mo ay talagang may
kanya-kanyang personalidad.
Halimbawa: Ang isang mayamang babae ay hindi magbubulalas
ng ‘Anak ka naman ng pitong bakang ayaw manganak’.
Kaya hindi porke gusto mong ilagay ang dialogue na iyon ay
ilalapat mo na sa tauhan mo na hindi naman maaaring magsalita ng ganoon.
Maliban na lang siguro kung ang mayamang ito ay parating nakikipaghalubilo sa
kanyang mga tauhan.
Ikaapat, HANAPIN ANG
SARILING BOSES. Bawat manunulat ay may kanya-kanyang style. Kaya, hindi mo
maaaring gayahin ang istilo ni JK Rowling
dahil kahit ano ang gawin mo ay hindi mo iyon makukuha. Ang dapat, alamin
mo ang sarili mong istilo at pagkaraan ay pagyamanin mo.
Ikalima, KUMAIN.
Kung hindi ka kakain, siguradong hindi ka makakapagsulat dahil walang
sustansiya na makukuha ang iyong utak.
Ang pagkain ay ang nagsisilbing gasoline ng manunulat para umandar ang kanilang
imahinasyon.
Nawa’y ang ilang tips na ito ay makatulong para maumpisahan
mo na ang pangarap mo na maging manunulat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento