, Secondipity.com Electronics

Biyernes, Hulyo 5, 2013

Tip # 3 for aspiring writers

Kung nais mo talagang maging mahusay na manunulat, kailangan mong maging matapang. Hindi mo naman kailangang magmura para sabihin mo na matapang ka bilang manunulat. Kailangan mo lang magkaroon ng paninindigan.


Nakalulungkot isipin na may mga manunulat na maaanghang nga ang mga katagang binibitiwan. Hindi naman makayang sabihing ‘yes, ito ang tama.’, ‘akin itong paniniwalaan hanggang sa huli’, lalo na’t makikitang nanggagalaiti na ang kanyang publisher.
Sabihin mo man na ang iyong publisher ang nagbibigay sa’yo ng cheque, kailangan mo pa ring panindigan kung ano ang paniniwala mo. Ang kailangan lang, totoo at tama ang pinaninindigan mo.
Tandaan mo, hindi naman bobo ang ating mambababasa kaya madali nilang malalaman kung sa utak talaga ng manunulat galing ang napapanood niya sa tv. Kung minsan kasi ay nagiging baduy kapag pinakialaman ang isinulat ng writer.

Kaya, kung alam mong makakapangit sa obra mo, bakit hahayaan mo itong baguhin? Maigi siyempre kung ipaglalaban mo ang iyong paniniwala. 

Tip # 2 for aspiring writers




Huwag mong sabihing may WRITER’S BLOCK ka kaya hindi pa makakapagsulat. Ang writer’s block ay nasa utak lang ng manunulat.. Para nga sa akin ang writer’s block ay pinagandang salita lamang ng katamara. Kung sasabihin mo nga naman na mayroon kang writer’s block, may dahilan ka na para iwanan ang iyong ginagawa.
Kuu, kung ganoon ang iyong gagawin? Ano ang matatapos mo?
Wala.
Tandaan mo rin, kapag iniwanan mo ang istoryang sinimulan mo ay napakahirap ng balikan. Kung mababalikan mo man, siguradong malilihis ka na sa istoryang pinlano mo. Kaya, kung may naisip kang isulat, mas makabubuti kung tatapusin mo agad. Kung hindi mo kasi gagawin ito, ikaw din ang mahihirapan.

Huwag mong hayaang mangyari iyon dahil sigurado akong  ikaw din ang kawawa. 

Tip # 1 for aspiring writers

The road for being a writer is long and bumpy – Mr. Don Michael Perez, thank you for very inspiring message you gave me years ago. Marami akong natutunan sa’yong workshop.

Tips para makapagsulat

Huwag mo naman sanang isipin na may kakapalan ang aking mukha, hindi pa nga ako nagkakaroon ng pangalan sa larangan ng pagsusulat tapos ay magbibigay na ako ng tips na akala mo ba’t kahanay na ako nina Ricky Lee, Gilda Olvidado at Lualhati Bautista. Ang nais ko lang naman ay matulungan ang ilang  tao na umaasam na maging isang manunulat.

Ah, bahala na kayo kung  babasahin ninyo o hindi. Ang importante lang sa akin ay mabigyan ng payo ang ilang kababayan ko na nais maging manunulat.



Una, HUMANAP KA NG INSPIRASYON. Hindi ko naman sinabi na maghanap ka ng kasintahan, asawa o kabit. Ang gusto kong sabihin ay isang bagay na makakapagtulak sa’yo na
gumawa ng kuwento.
  
     Halimbawa:  isang lumang larawan ng iyong lolo at lola. Titigan mo iyon nang mabuti at siguradong marami kang kuwentong maiisip.

Pangalawa, SERYOSOHIN MO ANG PAGSUSULAT. Lagi mong sinasabi na gusto mong magsulat. Puwes, maglaan ka ng oras sa pagsusulat. Hindi maaari iyong magsusulat ka ng ilang minuto tapos ay iiwanan mo kapag tumawag ang iyong Honey, My Love o Darling. Tandaan mo, ang pagsusulat ay para ring isang karelasyon, nangangailangan ng oras at atensyon. Huwag mo na ambisyuning maging manunulat kung magpapa-distract ka lang.


Ikatlo, MAG-RESEARCH. Hindi porke alam mo na ang istorya mo ay mauupo ka na at uumpisahan ang pagsusulat. Kailangan mo din siyempreng alamin kung ano ba ang gawi ng isang mayaman at isang mahirap. Kailangan ang bawat karakter mo ay talagang may kanya-kanyang personalidad.

     Halimbawa:  Ang isang mayamang babae ay hindi magbubulalas ng ‘Anak ka naman ng pitong bakang ayaw manganak’.

Kaya hindi porke gusto mong ilagay ang dialogue na iyon ay ilalapat mo na sa tauhan mo na hindi naman maaaring magsalita ng ganoon. Maliban na lang siguro kung ang mayamang ito ay parating nakikipaghalubilo sa kanyang mga tauhan.

Ikaapat, HANAPIN ANG SARILING BOSES. Bawat manunulat ay may kanya-kanyang style. Kaya, hindi mo maaaring gayahin ang istilo ni JK Rowling  dahil kahit ano ang gawin mo ay hindi mo iyon makukuha. Ang dapat, alamin mo ang sarili mong istilo at pagkaraan ay pagyamanin mo.

Ikalima, KUMAIN. Kung hindi ka kakain, siguradong hindi ka makakapagsulat dahil walang sustansiya na makukuha ang iyong  utak. Ang pagkain ay ang nagsisilbing gasoline ng manunulat para umandar ang kanilang imahinasyon.


Nawa’y ang ilang tips na ito ay makatulong para maumpisahan mo na ang pangarap mo na maging manunulat. 

Huwebes, Hulyo 4, 2013

Sino si Maria Angela Gonzales?

Ambisyosang Manunulat, ‘yan si Maria Angela Gonzales. Ako ‘yun! Ibig ko kasing maging katulad ni JK Rowling balang araw. Hindi lang dahil gusto kong magkamal ng limpak-limpak na salapi. Well, lahat naman tayo ay nag-aambisyon na humiga sa pera ngunit hindi iyon ang rason ko kung bakit gusto kong pasukin ang pagsusulat. Ang dahilan kaya ako naririto ngayon ay dahil nais kong makilala bilang isang manunulat.

Sa pinagtatrabahuhan kong publication, araw-araw akong gumagawa ng romance, horror, articles at nagbibigay pa ako ng advice. Siguro naman ay nakapagbabasa kayo ng BULGAR ano, ito ang aking ikalawang tahanan. Para sa akin, ang kompanyang ito ang naghubog sa akin kung ano ako ngayon.Hindi ko makakamit ang tagumpay na ito kundi dahil sa publisher, editor at mga kasamahan ko sa kompanyang ito. 




Hep, hep, kung umarte na ako ngayon ay para bang may napatunayan na ako, ah.

Well, kahit papaano naman ay mayroon. Aba, araw-araw yatang nababasa sa BULGAR ang aking mga column. At nakakatuwang isipin na mayroon din pala akong fans. Napatunayan ko iyon dahil may mga sumasali rin sa pa-contest naming. IYong hulaan ang titulo ng aking nobela.

Iyon nga lang, hindi pa ito sapat para masabi kong magiging JK Rowling na ako. Alam kong marami pa akong bigas na kakainin, bago ko ‘yun magawa. Basta ang importante ay unti-unti ko iyong inaabot.

Paano nga ba ang aking gagawin?

Ang site na ito ay magpapakita ng ilan sa aking mga gawa. Sana kahit paano ay ma-appreciate ninyo ako ang aking talento. Alam kong marami ang nakakahigit sa akin pero hindi dahilan iyon para magmukmok ako. Sabi nga ng brother, malakas ang fighting spirit ko at akin iyong patutunayan ngayon.   Huwag lang sana kayong maba-bad trip, okay?

Kung ikaw ay may ambisyon ding maging manunulat, maiging samahan mo ako sa aking paglalakbay. Alam ko namang hindi lahat ng gustong magsulat ay may kaalaman sa pagsusulat, kaya, maigi kung ibabahagi ko rin sa inyo ang kaalaman ko sa pagsulat. O, ready ka bang ma-seminar ko?
Kung nais mo talagang maging manunulat, kailangan mo muna ang mga ito. 

Una, pagkain. Hindi la makapagsusulat kung hindi ka kakain. Aba, kailangan ng utak natin ng sustansiya kaya, kailangang may pagkain na nasa iyong harapan. Kaya nga, karamihan sa manunulat ay matataba dahil habang gumagawa sila ng kuwento ay kain sila nang kain. Kung hindi ka ready tumaba, hindi ito ang propesyon para sa'yo. 

Pangalawa,  mga gamit sa pagsusulat. Kailangan mo ng papel, ball pen at computer o kaya ay typewriter. Sigurado akong parati kang makapag-iisip ng ideya. Isulat mo ito sa kapirasong papel kung nasa labas ka. Pagdating mo sa bahay, tipahin mo agad sa’yong typewriter o computer para hindi mo agad malimutan. . 

Pangatlo, ang iyong imahinasyon. Ito ang pinakaimportante sa lahat. Kailangang malawak ang iyong imahinasyon. Magagawa mong bigyan ng buhay ang isang bagay. Kaya mo bang gawan ng kuwento ang isang bato, kulangot, lapis at kung anu-ano pang bagay. Kung magagawa mo ito, aba, maaari kang makapagsulat. 

O, lika na, sulat na tayo.